LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop

Sinulat ni Sarah Leonin, Solano

        October 10, 2024, nagtungo ang Team Alyansa, na binubuo ni Ma’am Jean Leron, Sir Madz, Sir Ken, Sir Ferds at ang koponan ng Pandayan Solano sa Baguingey Elementary School.

        Halos tatlong taon na rin mula noong una naming balaking puntahan ang paaralan na ito. Pero dahil wala kaming malapitan na pwedeng tumulong sa amin para mapuntahan ito, isinantabi na muna namin ang proyektong maipasok sila sa Alyansa sa Edukasyon.

        2024, nakita ko ang post ng dati nating Probee na si Teacher Jona. Doon pala siya nagtuturo. Agad ko siyang kinausap thru chat at tinanong kung paano kami makakapunta sa kanilang paaralan para sa darating na Brigada Eskwela. Tinulungan niya tayo at sa araw nga ng Brigada Eskwela ay personal niya tayong sinamahan sa paaralan. Hanggang sa nito nga lang nakaraang araw ay natuloy din natin silang puntahan para sa Alyansa.

        Umaga ng Oktubre 2024 ay nagkita-kita kami sa harap ng tindahan upang sabay-sabay na pumunta sa meeting place kung saan kami susunduin ng service na nakausap ni Teacher Jona. Ngunit pagdating sa meeting place at lumagpas na sa takdang oras ay wala pa ang susundo sa amin. Mabuti na lamang ay may nakausap si Sir Elmer para maghatid sa amin. Natuloy din kami sa wakas! Pero ida-drop lang niya kami kung saan kami pwede ng magsimulang maglakad. Hindi kasi kaya ng sasakyan hanggang sa tutok sa paaralan. Wala din pwedeng sumalubong sa amin dahil wala kaming makontak sa paaralan. Wala kasing signal doon.

        Kanya-kanya kaming bitbit ng mga box na naglalaman ng mga ipapamahagi nating supplies na hindi biro ang bigat. Ang lalakarin lang dapat na 15 minutes, ay umabot ng 40 minutes dahil na rin sa pahinto-hinto kami upang magpahinga. Hindi biro ang layo ng nilakad. Nakadagdag pa sa hirap ang maputik at pataas-babang daan. Talagang nakakahingal pero sa tuwing nakikita ko ang mga kasama namin na nagbubuhat ng mabigat pero patuloy pa rin sa paglakad lalo na ang aming GE Elmer na dalawang box ang naka back-load, mas lumalakas ang aking loob.

        Lalong-lalo na nang masilayan namin ang tarangkahan ng paaralan. “Yes! Nandito na kami! Nakarating din!” Sambit ko na tuwang-tuwa. At mas nagalak ang aking puso noong makitang naka-ready na ang mga mag-aaral maging ang mga guro upang simulan ang programa. Nag-set up lang kami ng kaunti at nagsimula ang programa.

        Mula sa umpisa hanggang sa matapos ang program ay hindi nawala ang ngiti sa aking labi. Ang saya pala mag-Alyansa. Bonus na lang yung adventure para sa magagandang tanawin na madadaanan, pero yung saya na naramdaman ko sa aking puso na marami tayong batang natulungan, hindi matutumbasan. Biruan nga namin nila Kapwa Jennie Anne pagbalik sa tindahan, magtatayo din kami ng sariling Alyansa Team dito sa Nueva Vizcaya, at mas magtityaga kaming maghanap ng school na malayo upang tulungan.

        Hindi din matutumbasan ang mga ngiti ng mga bata ng matanggap ang kanilang mga school supplies. Ang saya rin nilang nakiisa sa ating mga games at pasayaw. Worth it ang pagod! Pagkatapos ng programa ay nakatanggap ako ng mensahe mula sa kanilang principal nasi Ma’am Rosemarie Pale, na lubos na nagpapasalamat sa atin at sa ating kompanya.

        Talagang naririto na tayo sa Pandayan Cuatro — Isinasabuhay at isinasapuso ang ating Kultura ng Tagumpay! Maraming salamat sa Team Alyansa para sa pagsama sa amin na maihatid ang tulong. Salamat sa ating mga trade partners para sa mga gamit ng mga bata at mga guro. Salamat sa aking mga Kapwa sa tindahan, kay 3rd Arm Jennie Anne at Probee Kiko, kay SE Jaymar at higit sa lahat sa Pandayan. Padayon!