LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni Eugene Austria, Bayambang
Ayon sa Sikolohiyang Pilipino ang “pakikipagkapwa-tao” ay isang Pilipinong salita na tumutukoy sa pakikipag-ugnayan at pagpapahalaga sa iba pang mga tao bilang kapwa nating mga tao.
Sa pamamagitan ng pakikipagkapwa-tao, hinahangad nating ipakita ang ating pagmamahal at pag-aaruga sa pamamagitan ng pagtulong, pagbibigay, at pag-unawa sa iba.
Ito ay isang pangkalahatang pang-unawa na kapag nakakita tayo ng ibang tao na may pangangailangan, mayroon tayong obligasyon na kumilos upang magbigay ng tulong at suporta sa abot ng ating makakaya.
Noong Setyembre 16,2024 bandang alas-otso ng gabi ay naglalakad ako pauwi galing sa fastfood na aking kinainan. Sa aking paglalakad ay may binatilyong nakaupo sa gilid at kinakalikot ang kanyang motor.
Nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad at natakot ako nang maaninag ko na parang sinusundan niya ako. Iyon pala ay manghihingi lang ng tulong dahil naubusan siya ng gasolina at sa Urbiz pa raw ang kanyang inuuwian at wala na siyang kahit anong pera na pang gasolina.
Hindi agad ako kumibo kasi baka modus lang ito dahil iba na ang panahon ngayon ngunit noong tinitingan ko ang kanyang mga mata ay nakita ko na ito ay nangungusap na tulungan ko siya kaya naman ay tinanong ko siya kung kaya na ba ng P100.00.
Nagpasalamat siya at ako naman ay nagpatuloy na sa paglalakad. Sumusulyap-sulyap ako kung aakayin niya ang kanyang motor sa pinakamalapit na gasolinahan na nasa tapat ng aking tinitirahan at naabutan niya pa ako at muli akong tinawag at sinabing,
“Kuya, maraming salamat po talaga.” Nginitian ko lang siya at sinabing,,“Mag-ingat ka pauwi.”
Bilang isang miyembro ng samahan na may pagpapahalaga sa pakikipagkapwa-tao hindi na maalis sa atin ang kaugalian na tumulong, nasa loob man tayo ng tindahan o nasa labas, may nakakakita man sa atin o wala at higit ay kung naka uniporme man tayo o hindi.
Sa pakikipagkapwa-tao nagkakaroon tayo ng mas malalim na koneksyon at pagkakaisa sa ating mga kapwa. Ito ay nagpapabuti sa ating mga ugnayan sa lipunan at nagtataguyod ng pagkakaroon ng mapayapa, mapagkalinga, at maunlad na lipunan.