Sulat ni Lanie Mae Cabides
Sa mundo ng sining at imahinasyon, may mga taong hindi natatakot ipakita ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga iniidolong karakter. Isa na rito si Andrew Vidal, isang 34-anyos na taga-Antipolo City at anak ng editor ng Antipolo Star, si Wowie Vidal.
Sa pamamagitan ng cosplay, natagpuan niya ang isang makulay at makabuluhang paraan upang ipahayag ang kanyang sarili.
Taong 2023 nang unang sumabak si Andrew sa mundo ng cosplay. Isang event sa TriNoma ang nagtulak sa kanya upang subukan ang pagsusuot ng costume at pagpapakita ng karakter na kanyang iniidolo.
Sa unang pagkakataon, sinuot niya ang kasuotan ni Kirito, ang pangunahing bida ng anime sa Sword Art Online. Ito rin ang naging inspirasyon niya upang ipagpatuloy ang kanyang cosplay journey.
Simula nang yakapin niya ang pagiging cosplayer, madalas na siyang sumasali sa iba’t ibang cosplay events tulad ng Otaku Expo, Cosplay Bleeds, at Heroes Convention.
Para sa kanya, ang pinaka-masayang bahagi ng bawat event ay taking pictures.
Sa kabila ng pagiging bukas sa publiko ng mundo ng cosplay, hindi kailanman nakatanggap ng negatibong komento si Andrew. Ipinagmamalaki niyang sabihin na “No to negative comments, just positive comments!”
Para sa kanya, ang cosplay ay isang malikhaing paraan ng pagpapahayag ng sarili, at walang sinuman ang dapat matakot o mahiya dito.
Bukod kay Kirito, isa rin sa mga pinaka-naeenjoy niyang cosplay ang mula sa Southern Online, isang palabas na kanyang sinusubaybayan sa TV5 mula pa noong siya ay 20-anyos.
Sa tanong kung sino ang kanyang cosplay idol, mabilis niyang binanggit si Kirito, ang karakter na una niyang ginaya at naging inspirasyon niya sa pagpasok sa mundo ng cosplay.
Para kay Andrew, ang cosplay ay isang hobby, hindi isang career. Ginagawa niya ito dahil sa passion at saya, hindi para sa kita o kasikatan.
Sa mga nag-aalangan subukan ang cosplay, may simpleng payo si Andrew:
“Enjoyin mo lang! Suotin mo ang gusto mong cosplay at ipakita ang pagmamahal mo sa karakter mo!”
Sa likod ng armor, at wig, may isang Andrew Vidal na patuloy na nagbibigay kulay sa mundo ng cosplay, isang patunay na hindi kailanman hadlang ang edad o estado sa buhay upang ipahayag ang sarili sa malikhaing paraan. Sa bawat event, sa bawat larawan, at sa bawat costume na kanyang isusuot, siya ay patuloy na magiging inspirasyon sa mga nagnanais na subukan at mahalin ang sining ng cosplay.