LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni Erika Tabuco, Angeles
Marahil karamihan sa atin ay mga commuters lamang papasok sa trabaho pero paano kung ang makasabay mo ay kulang o di kaya ay walang pamasahe? Tutulungan mo ba o mahihiya kang iabot ang maliit na tulong na ito?
Noong nakaraang araw nakasakay ako sa jeep. Papasok na ako sa trabaho. Maya-maya may pasaherong sumakay. Pagkaupo niya nangangalkal siya sa kaniyang bag. Marahil ay naghahanap siya ng mga baryang pambayad sa jeep. Tinanong niya ang driver kung hindi raw ba ito magpapagas sa kadahilan ang kulang daw ang barya niya sa bag at big bills lang ang meron siya dahil nagpalit siya ng ibang bag. Sumagot ang driver na hindi raw siya magpapagas.
Nang makita at marinig ko siya ay hindi ako nag-atubiling tulungan kahit sa maliit na halaga. Sinabi ko sa driver na ako na lang ang magbabayad. Iniabot ko sa driver ang bayad at natuwa naman ang mga katabi ko. Iaabot pa sana ng lalaki ang kanyang konting barya pero sabi ng katabi ko, “Ayos na bayad na ni Ma’am Ganda.” At pagtingin sa uniform ko ang sabi ng nanay sa akin, “Ay! Taga Pandayan ka pala. Mababait talaga ang mga empleyado sa Pandayan.”
Napangiti ako at sinabing, “Libre lang naman po maging mabait kaya ginawa ko lang po.” Napasabi na lang ang nanay na. “May mga ganyang tao talagang mababait. Kapag sa iba ‘yan titingnan ka lang.” Tinapik ako at sinabi muli na ang, “Bait mo naman, Ganda.” Napangiti ako at sinabing, “Wala po iyon.” Hanggang sa pagbaba ni nanay ay nakangiti at nagpaalam sa akin sabay sabing, “Ingat ka.” Sumagot ako ng “Salamat po. Ingat din po.”
Maya-maya kinausap ako ng lalaki. Gusto niya kasing padalan ako ng Gcash para sa binayad ko sa jeep pero tinanggihan ko dahil naisip ko na baka sa susunod na araw ay mangyari rin sa akin iyon. Hanggang sa pagbaba ng lalaki ay nakangiti itong nagpasalamat sa akin at dito naging maganda ang usad ng buong araw ko.
Napaisip ako na sobrang makabuluhan ang buhay natin na sa mga simpleng paraan ay nakakatulong tayo sa kapwa, kaya sulitin natin ang mga araw na dumarating at piliin nating makatulong at gumawa ng mabuti hindi lang para sa ating sarili kundi pati narin sa ating kapwa.