LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni Hazel Roque, Guagua
Sa aking halos limang taon na pagseserbisyo sa ating kompanya napakadami ko ng naranasan at natutunan na talaga namang napakalaking impact sa aking pagkatao kumpara sa dating ako.
Sa dami ko ng napasukan na kompanya noon ay dito ko lamang nailabas ang lahat ng mga bagay o kakayanan ko sa aking sarili na hindi ko akalain na tinataglay ko pala.
Noon pa man ay talagang palagi akong nagsisikap na pag-igihan sa aking mga napapasukang trabaho, kaya naman halos lahat din ng napasukan ko ay talagang nagtatagal din ako.
Ngunit ngayon na nandito ako sa Pandayan ay mas lalo akong inspirado o di kaya ay hindi ako nakakaramdam ng pagkasawa sa pagpasok araw-araw sa aking trabaho.
May nakapagtanong nga sa akin na bakit sobrang dedicated ko raw sa aking trabaho. Ang aking sinabi sa kanya na, “Ay, talaga ba? Siguro ang aking mga ginagawa ay normal na parte lamang ng aking trabaho. Masaya at gusto ko ang aking ginagawa dahil alam kong maraming nagtitiwala sa akin lalong-lalo na ang aking mga pinuno at mga kasama sa tindahan.”
Dagdag ko pa sa kanya ay hindi naman kami inatasan na magpakasubsob at magpakalunod sa trabaho bagkus ay binibigyan kami ng laya na gawin ang aming mga tungkulin na may kasamang paggabay.
Buo ang tiwala nila sa aming mga kakayanan, kaya siguro ganoon ang nakikita ng ibang tao sa akin na parang sobrang dedicated ako sa aking trabaho. Ngunit ang totoo ay ang sikreto lamang nito ay ang isang healthy environment at ang 100% na pagtitiwala sa iyo ng iyong mga kasama, tamang pamamalakad, busog na kaalaman at nag-uumapaw na benepisyo na nakukuha natin sa ating kompanya.
Kaya hindi mo namamalayan na ang akala mong normal lamang sa iyong pagtatrabaho ay ang tingin ng iba ay sobrang dedicated mo na sa iyong ginagawa sa trabaho.
Siguro ay masaya lamang talaga na kumikita ka ng tama at kasabay pa nito ang busog na kaalaman na naisasabuhay mo hindi lamang sa iyong trabaho kundi sa iyong pamilya at sa iyong personal na buhay.