LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni Grace Dela Cruz, San Carlos
Sa nagdaang KP Meeting ang natalakay sa naging Learning Session ni Boss JVC ay ang “Mga Paraan ng Makataong Hanapbuhay” na naakma sa Diwa at Kapwa ng Pandayan na isa rin sa pinakamahalaga sa ating kompanya. Ang layunin na gawing pundasyon ang Diwa at Kapwa ng mga samahan sa Pilipinas.
Isa sa tumatak sa akin ang tanong na, “Ano ang mangyayari kapag mahal ng empleyado ang kompanya?” Tugmang-tugma ito sa ating kompanya na sobra ang pagmamahal sa mga empleyado. Sobra-sobra ang mga benepisyong natatanggap mula sa kompanya, sobra-sobra ang malasakit at talagang kapamilya ang turing sa lahat ng Kapwa.
Masasabi kong hindi mapapamahal ang isang empleyado kung hindi rin minamahal ng kompanya ang isang empleyado. Kumbaga sinusuklian lamang din ng isang empleyado ang pagmamahal ng kompanya sa kanya, mapatrabaho man ito o personal. Sa mga benepisyong natatanggap ng isang Kapwa ay pinapahalagahan ito.
Bilang isang Kapwa, ang makapagbigay ng todo effort, tiwala at pagmamahal ay isang malaking karangalan upang balik sa pagbibigay ng magagandang benepsiyo ng Pandayan.
Kaya marami ring mga kinapos na probee ang bumabalik sa pangalawang pagkakataon dahil pangarap din nilang maging kaparte ng ating kompanya dahil nakikita nila kung gaano pinapahalagahan ng kompanya ang kanilang mga empleyado, kumpara sa ibang kompanya na naranasan na nila.
Maski ako naman din ay may isang kompanya akong napasukan bago ako mapunta sa Pandayan. Isa lang sa hinahanap ko sa kanila ay ang goverment benefits pero iyon lamang ay wala maibigay sa aming mga empleyado at iba ang turingan ng mga empleyado pati ng mga boss.
Mararamdaman mong mababang uri ka lang para sa kanila, walang maramdamang malasakit ang kompanya kaya hindi din ako nagtaka kung bakit walang nagtatagal sa kanila.
Naka-isang taon naman din ako sa kanila pero nung nalaman kong may bubuksang Pandayan sa katabi ng building na pinagtatrabuhan ko ay agad akong nagpasa ng resume.
Pinagpala naman na makapasa sa exam at interview. Bago pa man ako magsimula as Trainee sa Pandayan ay nakapag-orientation na ako kaya sobra ang aking naging determinasyon at pagpupursige kahit sa una ay sobra akong nahirapan na tipong nagkakasakit na ako pero hindi ako sumuko dahil naging inspirasyon ko ang mga benepisyo na matatanggap kapag na-regular ka.
Nag-uumpisa pa lamang ako ay nararamdaman ko na ang malasakit ng mga Kapwa at ng kompanya. Sa araw-araw ay sobra ang aking pagdadarasal upang maging parte ng kompanya at maging isang Kapwa Regular ng Pandayan dahil hiling ko na matulungan ang aking pamilya at gusto ko ang pamamalakad ng Pandayan.
Hindi rin naging madali ang pagpasok ko sa Pandayan noong una dahil nag-aaway kami ng aking Nanay dahil gusto niyang magturo talaga ako pero alam ko sa sarili ko na hindi iyon ang passion ko kaya medyo naging matigas ako noon para magpatuloy sa Pandayan at pinatunayan ko sa aking Nanay.
Hanggang sa ngayon ay proud na proud siya sa aking nararating sa buhay sa tulong ng Pandayan na siya ding palagi kong kinukwento sa kanya ang mga benepisyo na aking natatanggap. Kaya sobra na lamang din ang pasasalamat ng aming pamilya sa Pandayan. Kaya masasabi ko ring partner talaga ang Diwa at Kapwa, walang Kapwa kung walang Diwa. Ang samahang sagana sa Diwa ay isang komunidad ng pangarap, kabuluhan at pananampalataya.