LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni Ronald Capistrano, Lipa
Na-admit ako sa hospital dito sa Lipa na regular na kumukuha sa atin ng mga office supplies. Noong nasa emergency ward ako tila iba ang tingin sa akin ng mga nurse at staff dito.
Isa sa mga nag-assist sa akin ang nagbanggit na parang pamilyar daw ako sa kanila. Hindi lang daw nila ako matandaan kung saan nila ako nakita. Binanggit ko na kung nagagawi ba sila sa Pandayan Bookshop at bigla silang natawa na ako pala raw yung isang staff doon na matangkad na tisoy.
Natuwa ako sa sinabi sa akin ng nurse at bigla na ito naging mabait sa akin. Panay kuwento na sa akin na madalas daw siya namimili sa ating tindahan at nagtatanong na ito kung ano ba mga magagandang brand ng ballpens at ibang supplies.
Nang ako ay nailipat na sa admitting room, ang mga nurse na kumukuha sa akin ng BP at blood samples ay tila nakilala kaagad ako. Kinakamusta nila ako palagi at kung ano raw ba ang nangyari sa akin. Hanggang sa paglabas ko ay in-assist din nila ako. Pagdating sa mga results ko at sa MRI test ay sinabi sa akin ng isang nurse na banggitin ko raw na relative ko raw siya upang ma-priority ang result nito.
Napaisip ako kung bakit ganoon ang trato nila sa akin sa hospital. Isa lang ang nasa isip ko. Siguro dahil kapag nandito sila sa Pandayan ay talagang asikaso natin at maayos ang ating pakikitungo sa kanila. Lubos akong nagpapasalamat sa kanila dahil sa maayos ang trato nila sa akin sa hospital.