LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Criselda Mercado, Polangui
Isang araw bago sumapit ang kapaskuhan, maraming mga Panauhin ang humabol para mamili ng mga regalo. Kinahapunan may magkapatid na nakaagaw ng aking pansin.
Nasa area sila ng mga tsokolate at may hawak ang batang babae ng Jorizza 12’s, isang artificial rose na ₱60, isang Bench Bath at isang Bench Eight Perfume.
Nagtatalo sila dahil gusto ng kuya niya na iwanan na lang ang rose dahil kulang ang kanilang pera. Medyo nakinig ako sa kanilang usapan dahil ayaw itong bitawan ng batang babae.
Nang nilapitan ko siya at tanungin kung bakit gustong-gusto niyang bilhin ang mga items ay ireregalo niya daw kasi ito sa kanyang mama at papa. Sabay sabi na “Di ba ate, mahilig ang mga babae sa bulaklak at chocolate? Gusto ko si Mama at Papa happy sa Pasko.”
Napangiti na lang ako sa kanya kaya sabi ko ay libre ko na lang sa kanya ang rose dahil Pasko naman. Sa tantya ko ay nasa 8 years old ang batang babae at 12 years old naman ang lalake.
Nalagay din ako noon sa ganitong sitwasyon. Panahon na gusto mong bilhan ng regalo ang mahal mo sa buhay pero hindi mo ito magawa dahil sa medyo salat kami noon sa buhay.
Kaya masaya ako na sa ganitong pagkakataon ay nakakatulong ako, lalo na sa mga bata na malaki ang pagpapahalaga sa kanilang mga magulang.