LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni Jayson Cruz, Malolos
Ang magkaroon ng maayos na hanapbuhay ay swerte ng maituturing. Ngunit ang mapabilang sa isang kilusan na kung saan mas pinapahalagahan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa na ang pinakasentro ng ating layunin ay talaga namang masasabi nating biyaya.
Sa Pandayan Bookshop, patuloy ang pagpupunla sa mga Kapwa ng mga mabubuting gawa. Napakaraming learning session ang itinuro para sa pagpapakatao, pakikipagkapwa-tao at pagiging pagkamakatao ng bawat isa. Ngayong tinatahak na natin ang Pandayan Cuatro ay hindi lamang nagtitinda. Tayo ay nagpupunla na rin ng Kilusan o Kilusan ng Mabuting Gawa.
Kahit wala pa tayo sa Pandayan Cuatro ay ginagawa na ng Pandayan ang pagpupunla ng mabubuting gawa sa ating lipunan. Halimbawa na lamang nito ang pagkakaisa ng mga Kapwa noong panahon ng Pandemic, kung saan ay gumawa tayo ng mga face shield.
Kasama na rin dito ang iba pang aktibidad gaya ng clean up drive, Brigada Eskwela na kung saan ang lahat ng Kopon ng Pandayan ay tumutulong at nagdo-donate ng walang hinihinging kapalit.
Dahil sa mabuting gawa ng Pandayan ay nakakatuwang bumabalik ang mga ito sa mga Kapwa Panday. Kaya naman napakahalaga na rin para sa akin na tuwing nakasuot ako ng uniporme ng Pandayan ay sinisigurado kong maayos at hindi ako nakakagawa ng mga bagay na alam kong magiging kasiraan ng Pandayan.
Habang nakikinig ako sa learning session para sa pangarap ng mga Pilipino sa ating bansa ay mas naintindihan ko kung bakit tinuturuan tayo ni Boss kung paano maging mabuting tao at bumuo ng samahan na katuwang upang mapagbuti ang ating bansa. Masasabi kong isa talaga siyang makabayan.
Sinimulan natin sa ating samahan sa Pandayan at umaasang lalaganap ang mga mabuting gawa at gagayahin tayo ng ibang kompanya. Naisip ko rin na kung iilan lamang tayo sa ating samahan ang nakakaintindi at nagnanais na itaguyod ang Pandayan Cuatro ay magiging mabagal ang ating pag-akyat.
Ngunit dahil sa masipag na pagtuturo ni boss sa mga Kapwa ay naniniwala akong makakagawa ng maingay na pangalan ang Pandayan para sa pagbabagong ninanais natin sa ating mga buhay. Ang pangarap para sa ating pamilya at bayan ay matutupad.
Habang pinapakinggan ko rin ang bahagi tungkol sa economic growth ay naisip ko kung bakit bagsak ang ating ekonomiya at kung bakit napapabayaan na ng karamihan ang pag-aalaga sa kalikasan. Para sa mga ordinaryong Pilipino ang pinaka-priority sa araw-araw ay ang paghahanap ng ikakabuhay at makakain ng kanilang pamilya.
Gustuhin man nating makatulong at mapaayos ang lipunan ay mas inuuna natin ang ating mga pamilya dahil sa sobrang baba ang kinikita ng isang ordinaryong Pilipino. Bagsak din ang ating gobyerno sa kanilang pamamahala. Corrupt at walang pakialam sa kanilang mga trabaho na dapat ay kanilang pinagbubutihan.
Kaya ang mapabilang sa isang samahan gaya ng Pandayan ay masasabi kong malaking tulong para sa akin at para na rin sa lahat ng kapwa. Kumikita tayo at sa isang paraan ay nakakatulong tayo sa Pamayanan.