LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni Darren Buera, Lucena
Nitong nakaraang linggo ay napansin ko na sira na ang sapatos na ginagamit ng tatay ko. Iisang sapatos lang kasi ang meron siya kaya ganun na lang din nasira agad ang kanyang sapatos dahil sa araw-araw na paglalakad para makapagtinda.
Nakakita ako ng magagandang sapatos sa bayan ng Lucena na malapit lang sa Pandayan. Pagpasok ko pa lang ay napakasigla na ng bati nila sa akin.
Habang ako ay namimili ay lumapit sa akin ang isang lalaki at nag assist sa sapatos na hinahanap ko. Nang ako ay makapili, lumapit ang isang babae at banggit niya na: “Bigyan mo ng discount si kuya, taga-Pandayan siya.”
Nagulat at natuwa ako sa aking narinig dahil nagkaroon pa ako ng discount at naka uniporme rin ako noong oras na iyon kaya nakilala ni ate na taga-Pandayan ako.
Banggit niya na siya raw yung tinulungan ko sa mga item na kailangan niya bago sila mag-open. Tsaka ko lang naalala si ate.
Lubos akong nagpasalamat dahil naka discount ako sa kanila. Hindi man ako ang kaniyang nakilala nakakatuwa na si Pandayan ang kanyang naalala.