Mula kay Jun Villacorta Cabochan
Managing Director, Pandayan Bookshop
Ang kabutihan ay lumalago. Patunay nito ang sumusunod na kuwento na nagmula kay Camela Mae Reyes, isang kawani ng sangay ng Pandayan Bookshop sa Cabuyao, Laguna. Ganito ang kanyang sinulat.
“Sa aking paglalakad papuntang sakayan ng jeep, napansin ko ang isang matandang babae na may bitbit na isang box at isang malaking sako bag.
Napansin kong patawid ito at inaantay lang tumigil ang mga sasakyan. Ilang tao na rin ang dinadaan-daanan lang ang matandang babae. Maging ang enforcer ay di siya napapansin.
Minadali ko ang aking paglalakad at agad na lumapit sa kanya. “Nay, tatawid ka po?”, tanong ko sa matandang babae.
“Oo anak, papunta sa sakayan ng jeep pa-Calamba,” sagot niya sa akin.
Agaran kong binitbit ang hawak niyang sako bag dahil ito ay mas mabigat kesa sa box na kanyang hawak.
“Nay, tara, sabay na po tayo,” sabi ko sa kanya. Hinawakan ko ang kanyang kamay.
Naka-red light na ngunit patuloy pa rin ang pagdaan ng mga motor at sasakyan. Maya-maya ay nagkaroon na ng pagkakataon na kami ay makatawid.
Tumigil ang sasakyan at motor upang kami ay makatawid. Maging ang mga truck ay tumigil at sumenyas ng paghinto sa mga nasa likod nito.
Sobra ang aking pagkagalak dahil halos parang tumigil ang mga sasakyan para lang kami ay makatawid. Nang makarating na kami sa kabilang kalsada ay magkasabay pa kaming yumuko at ngumiti sa mga tao sa sasakyang tumigil bilang simbulo ng aming pasasalamat.
Tinulungan kami ng ibang pasahero upang maisakay ang kanyang dala-dala. “Nay, saan nga po kayo papunta?”, tanong ko sa kanya.
Sa Calamba pala ang kanyang tungo at doon nag-aantay ang kanyang anak. Sabi ko, “Nay, ako na magbabayad po, ha.”
Ng iaabot ko na ang bayad ay biglang sinabi ng driver na “Ineng, itabi mo na yan. Libre ko na kayo ni nanay. Ang bait mong bata. ‘Wag kang mag-alala kay nanay. Akong bahala sa bababaan nya.”
Nagulat ako at nahiya. Tanging ngiti at pasasalamat nalang ang aking naging sagot kay manong jeepney driver.
Napatingin ako kay nanay dahil hawak-hawak nya ang aking ID. Sinuot niya ang kanyang salamin at sinabing, “Sa Pandayan Bookshop ka nagtatrabaho anak at ikaw ay si Reyes.Sasabihin ko sa aking anak na ang taga Pandayan ang tumulong sa akin. Maraming salamat, anak.”
Ako ay ngumiti at muling hinawakan ang kanyang kamay. “Salamat din po, baba na po ako at papasok po ako sa Pandayan. Kayo po ay mag-iingat, ha. Manong, maraming salamat po, si nanay po ha,” aking nasabi kay manong at kay nanay. Sobrang nakakatuwa lang na ang kabutihang iyong ginawa ay mabilis na sinuklian ng sobra-sobra pang kabutihan. Salamat po!”