LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni Jenie Anne Pagtacunan, Guimba
Segundo, oras, araw, linggo, buwan, ay lumilipas. Nababagalan ka ba sa usad ng buhay? Mag-isip at magbalik-tanaw, masaya ka ba sa kung ano na ang narating mo sa buhay?
Agosto taong 2022, ako’y nagtapos sa kolehiyo. Dalawang buwan rin akong natambay at na-pressure sa mga ka-batch kong may kanya-kanya nang trabaho. Lagi kong tanong, “Ako? Kailan naman kaya ako?”
Nobyembre 14, dumating sa akin ang isang job opportunity. Dito maraming nabago sa pangarap ko bilang tao. Dito ako natuto na may hihigit pa sa pangarap kong magkaroon ng magarang bahay, kotse, at makapag-travel sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa aking trabaho ngayon masasabi kong isa ito sa napakalaking factor sa paghubog ng aking pagkatao.
Marami akong natutunan dito na hindi tinuro sa apat na sulok ng kuwarto, simula kinder hanggang kolehiyo. Maraming life realizations, growth, improvement at development dito. Kaya nagpapasalamat ako sa Pandayan Bookshop. Hindi lang basta kompanyang nagtitinda at kumikita ang Pandayan, nagtuturo at naghuhubog din ng mabuting pagkatao, pagkamakatao, at pakikipagkapwa-tao.
Sa paglipas rin ng oras, araw at buwan, nasagot ang tanong ko. Hindi ko dapat iniisip kung gaano kabilis ang pag-usad ko. Dahil hindi naman ito patimpalak na kailangan kong ikumpara ang sitwasyon ko sa kahit na kanino dahil iba-iba tayo. Magkakaiba tayo.
Ngayon, isang taon na ako sa Pandayan. Mula sa kulay maroon na vest at puting uniporme, ngayon ay naging dilaw. Masasabi kong uniporme man ay nabago, ngunit hindi ang pakikitungo sa kapwa. Kung ano sa umpisa’y mananatili pa ring makatao, dahil ganoon ang hinuhubog ng kompanyang kinabibilangan ko. Hindi nagmamataas, hindi nagmamalaki, nakaapak sa lupa ang paa palagi.
Ngayon, higit pa sa paglalarawan kong masaya, masaya ako sa kung ano man ang nararating sa buhay ko. Walang pagkukumpara. Walang pag-aalinlangan. Walang regrets. Walang duda. Masaya ako. Proud ako sa trabaho ko!