LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni GE Margie Bonaobra
Ngayong taon nakilala ko ang pinakamahinang bersyon ng katawan ko pero ngayong taon ko rin natagpuan ang pinakamalakas at mapayapang bersyon ng pagkatao ko.
Totoo palang may hangganan ang kakayahan ng ating katawan kahit sa isip at puso natin kaya pa naman talaga. Kusa pala itong susuko kapag physically, emotionally at spiritually hindi na tayo healthy.
Sa nagdaang mga buwan na aking pinagdaanan, mula sa pagkakunan, pagkaka-ospital ng aking anak at sunod-sunod na pagkakasakit sa pamilya hanggang sa aking pagka-stroke sa bus at pagkakaroon ng dilated vein of the galen, hindi naging madali lalo ng maramdaman kong malapit na ako sa kamatayan, pero nakatulong ng malaki ang aking paghawak at pagkapit sa pag-asa at pangako ng Diyos mula sa dasal ni St. Terese of Avila at Serenity Prayer na una kong narinig at natutunan sa Pandayan at ilan sa mga turo pa nila Boss.
Mas naitindihan ko ang bawat talata ng dasal habang lumilipas ang buwan noong ako ay naka-leave at pabalik-balik sa ospital at paulit-ulit nagkakaroon ng iba’t ibang aberya para di matuloy ang MR angiogram. Kasabay ng 30th year anniversary ng Pandayan, hindi ko akalaing maski sa aking personal na buhay, ngayong taon, magiging remarkable ang mga salitang “Pag-asa, Pananalig at Pag-ibig”.
Pag-asa:
“Huwag ipahintulot
na sa iyo’y may gumambala;
huwag matakot o mabahala
ang lahat ng bagay ay lumilipas;”
Walang bagyong nananatili. Walang forever na bagyo. Kahit apat o lima pang bagyo ang magkakasunod na dumaan at nagdulot na ng matinding pagbaha, o pinsala, siguradong darating ang isang umaga na titigil din ang matinding buhos ng ulan, papatak na lang malaon hanggang magpapakita din ang araw.
Ang sinag ng pag-asang makakaraos din sa lahat ng ito. Sa pag-asang katulad ng iniabot ni Hesus ang kaniyang kamay kay Pedro nang subukan nitong imposibleng makalakad sa ibabaw ng dagat sa gitna ng matinding bagyo at naunahan ng takot at pangamba kaya siya’y lumubog pero kung ilalaan lamang ang focus sa Kaniya at hindi magpabagabag sa bagyong nasa paligid niya, magagawa maski imposible dahil sa pananalig na walang anumang kapahamakang maidudulot ang nagagalit na kalikasan basta nagtitiwala at nananalig lang.
Pain is real, pain is pain. Kung mag-focus tayo sa pain, mas masakit yan, pero hindi natin mapapansing lumilipas ang araw at panahon kahit may matinding pagsubuk dahil life is easier kung mag-focus tayo sa Kaniya.
Pananalig:
“ngunit ang Diyos ay laging mananatili;
sa pagtitiyaga at pagtitiisang lahat ay makakamit…”
Mabisang sandata ang panalangin. Pero may mga pagkatataong “NO” ang direktang sagot sa atin kahit gaano na tayo nagpapakabuti at masugid sa paghingi at pagsuyo. Sa ating mga Tagapagpatupad na sanay sa kada problema may agad tayong tugon na solusyon at naaayos agad, may mga pagkakataon palang maski ang solusyong inilalapat hindi akma maski plan B at plan C, D or more pa ang ilapat. Minsan pala aabot din sa puntong ang pag-asa, mananamlay talaga lalo na sa mga pagkakataong pakiramdam talaga wala na, dahil wala kang access dahil wala kang kontrol at akala mo di mo kaya.
Mas nauwaan ko din sa yugtong ito ang “Serenity Prayer.” Isuko lang sa Kaniya at ipaubaya. May mga problema o suliraning walang agarang solusyon, di gaya ng ating nakasanayan. Na ang kayang gawin na lamang ay magtiwala sa Kaniyang kalooban, sa Kaniyang mga paraan at sa Kaniyang tamang panahon.
Sa mga pagkakataong “Hindi” ang direktang sagot sa ating mga dasal, natutunan kong maaari ding ang sagot sa atin ay, “How great is your faith?” Maaring kagaya ng kwento ng isang Ginang sa Cananea, ang ating pagsubok ay pagsukat lamang sa kung gaano natin kayang magtiyaga, maghintay at magtiis, maniwala na ikakaloob din sa atin kahit pa imposible.
Sa aking karanasan, mula sa May 29, 2023 cranial CT scan film at mula sa 3 opinyon ng doctor na nagsasabing namamaga ang aking vein of the galen into 2cm mahigit, buhay akong patotoo sa kadakilaan ng Panginoon at nangyayari talaga ang tugon ni Hesus sa Ginang sa Cananea at sa pagpapagaling sa dalawang bulag na, “Let it be done according to your faith.” Nang matanggap ko ang result at reading ng Aug.25, 2023 cranial MR Angiogram na 4mm na lang ang vein of the galen, normal at walang diperensya ayon sa plaka at sa reading ng radiologist at neurosurgeon.
Pag-ibig
“Siyang kalooban ng Diyos
kailanma’y di sasala
sapagkat sa Diyos
ay wala nang nanaisin pa.”
Madalas nating marinig, “kapag may pinagdaraanan ka, pagdaanan mo lang, huwag kang manatili diyan.” Madaling sabihin kaysa gawin pero posible pala, kailangan lang tulungan talaga ang ating sarili. Habang dumaraan sa bagyo, sa halip na magbilang sa pinsalang hatid ng bagyo at kung ano pa ang darating na kasunod nito, mas magiging magaang ang pagdaan dito sa pagbilang ultimo ang pinakamaliit na biyaya na natatanggap sa mga panahong ito. Naalala ko may isang message si Boss JVC tungkol sa “gratitude” noon. Sinubukan ko gawin nitong nagdaang tatlong buwan ang gratitude journal araw-araw at ito ang aking natuklasan:
Di hamak na mas marami pa rin akong natatanggap na biyaya at pagpapala kaysa sa pagsubok na aking pinagdaranaan. Na every gising is a blessing at marami pa ring dapat ipagpasalamat. Mas mapalad pa rin ang aking buhay sa buhay ng mas less fortunate pa rin gaya ng mga walang masilungan, nakatira sa kalsada atbp pero patuloy na lumalaban. Bilang bread winner ng pamilya, di ko naiwasan ang pag-aalala paano ma-sustain ang tatlong buwang walang trabaho at walang kasiguraduhang mabigyan ng fit to work ng neurosurgeon dahil sa dilated vein of the galen noon. Mula nang ako’y na-sickleave patuloy ang pagbuhos ng pagpupuno para mapunan ang aming pangangailangang pinansyal at medical lalo sa panahong akala ko mauubos na, sa tulong din una ng Pandayan: advance 13th month pay, advance SSS claims at ang maipagmamalaki ko talaga ang kusang tulong pinansyal at mga dasal, pagmamahal mula sa mga Kapwa Panday, mga kasamang GE at FE at ng mga Boss. Maging ng mga dating Kapwa Panday na wala na at di na nagtatrabaho sa Pandayan, sina Sir Dong at iba pang mga nakasama sa pangkat nagpa-abot ng tulong ng makarating sa kanila ang balita. Sa mga katrabaho ni Eden at sa mga co-teachers ng aking kapatid at mga kaibigan at kaklase at kamag-anak. Bumuhos ang tulong at mga dasal. Marami palang nagmamahal.
Sa mga pagkakataong akala natin walang nangyayari at hindi nabibigyan ng sagot ang ating mga tanong o hiling, kumikilos pala Siya behind the scene at kung minsan mas higit pa sa ating ipinagdarasal ang ibinibigay niya sa Kaniyang oras at tamang panahon. Sapagkat ang Diyos ay laging Higit sa Sapat.
Nagpapasalamat ako sa buong samahan ng Pandayan at sa Kultura ng Tagumpay na gabay at sandigan ng bawat Kapwa sa aming paglalakbay. Maraming salamat po sa inyo Boss, higit pa sa pagtugon sa pangangailangang pinansyal kundi sa mga turo po nila sa amin upang hindi lang para maging mas mahusay kundi para mas maging mabuti at matatag sa pagharap sa hamon ng buhay.