Nagkamit ng prestihiyosong gintong medalya mula sa katatapos na World International Mathematical Olympiad (WIMO) na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia noong January 6-7, 2024, ang minamahal na anak ng Probinsya ng Rizal at ng Siyudad ng Antipolo, na si Agatha Maria Eden Oliva Nunag, siyam na taong gulang at Grade 3 student ng PAREF Rosehill School sa Antipolo. Kasama niya ang labin-tatlo pang mga batang Pinoy mula sa iba’t ibang panig ng bansa na nag-uwi ng gintong karangalan para sa Pilipinas.
Ang WIMO ay isa sa pinakapamosong tagisan ng galing sa mathematics para sa mga estudyante ng elementary at high school. Tinagurian na “Battle of the Golds,” ang pagsali sa WIMO ay “by-invitation” lamang sa mga nakapagkamit na ng gintong medalya sa Final Rounds ng alinman sa tatlong international math contests: Hong Kong International Mathematical Olympiad (HKIMO), Thailand International Mathematical Olympiad (TIMO), at Guandong Greater Bay Area Mathematical Olympiad (BBBIMO). Si Agatha ay naanyayahan sa WIMO matapos nyang makamit ang gintong medalya sa Guangdong Greater Bay Area Mathematical Olympiad.
Ang pambihirang karangalan na WIMO Gold Award ay ikalawang beses nang nakakamit ni Agatha na nakapag-uwi na din ng gintong karangalan noong isang taon mula sa WIMO matapos naman niyang maimbitahan dahil sa kanyang pagkapanalo ng gintong karangalan mula sa Hong Kong International Mathematical Olympiad. Sa kanyang unang WIMO Gold Medal noong isang taon ay agad na nagpasa ng Resolusyon ng Parangal ang Senado ng Pilipinas sa pangunguna ni Sen. Joel Villanueva katuwang sina Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr., Sen. Ronald dela Rosa, Senate President Juan Miguel Zubiri at lahat ng mga senador bilang mga co-authors para kilalanin si Agatha at ang mga kasama niyang WIMO Gold Medalists. Si Agatha ang kauna-unahang WIMO Gold Medalist ng PAREF Rosehill School ng Antipolo at ng lahat ng 17 PAREF Schools sa buong bansa.
Higit sa 40,000 na mga kabataang mathematicians sa buong mundo mula sa mga bansang Australia, Singapore, Japan, Hong Kong, India, Bulgaria, Brazil, Indonesia, Malaysia, Thailand, Vietnam, Iran, Myanmar, Cambodia, Saudi Arabia, Nigeria, Azerbaijan, Sri Lanka, Taiwan, at Pilipinas ang sumubok sa kanilang mga kapalaran na makasungkit ng ginto sa HKIMO, TIMO at BBBIMO para makatuntong sa entablado ng WIMO. Sa huli, 14 na gold, 18 na silver, at 30 na bronze medals ang nahakot ng Pilipinas mula sa pandaigdigang tagisan ng WIMO na ginanap sa University of Malaya, ang pinaka-tanyag at kauna-unahang unibersidad sa Malaysia.
Ang mga lumahok sa WIMO ay sumagot ng mga worded problems sa iba’t ibang aspeto ng mathematics kasama na ang logical thinking, arithmetic, number theory, geometry, and combinatorics.
Bukod sa kanyang hilig sa mathematics, si Agatha ay isa ring pianist na tumutugtog ng iba’t ibang classical at pop music. Soprano choir member s’ya at alternate pianist din sa Transfiguration of Christ Parish sa Barangay San Roque, Antipolo City. Ginagamit din ni Agatha ang kanyang oras upang magturo ng math at iba pang subjects sa kanyang mga kaeskwela. Siya ay founder at moderator ng “Rosehill Little Cubers Club”, isang after-school program sa PAREF Rosehill kung saan itinuturo nya kung paano lutasin ang Rubik’s cube puzzle sa mga kapwa kabataang Grades 1 to 3. Si Agatha ay isa ding premyadong chess player at “wall climb” enthusiast. Presidente s’ya ng kanyang klase at noong kasagsagan ng pandemya ay naghandog siya ng isang online solo birthday concert for a cause na may pamagat na “The World Is Beautiful: The Pandemic through the Eyes of a Child” kung saan ay ipinamalas nya ang kanyang talento sa pagtugtog, pagguhit, paglikha at pagbigkas ng tula, at pagkukuwento. Ang nasabing konsyerto ay nakalikom ng P125,000 mula sa kanyang mga kamag-anak at kaibigan na itinulong namang lahat sa mga pamilya sa Antipolo na lubhang naapektuhan ng pandemya katuwang ang mga religious sisters ng Missionaries of Charity at Home of Love ng Antipolo. Si Agatha ay tunay na magandang huwaran para sa ating mga kabataan.
Bigyan natin si Agatha ng mainit na parangal: isang tunay na Rizaleña, tunay na Antipoleña, at tunay na Filipina!