LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni GE Ruby Santos
Wow! 30 years na ako sa Pandayan. Ang bilis ng panahon. Hindi ko rin akalain na naka 30 years na ako. Sa ngayon ay dalawa na lang kami ni Sir Elmer na pioneer sa 1st batch. Wala na sa Pandayan ang mga ka-batch namin. Masasabi ko na sa 30 years ko sa kompanya ay maraming nangyari sa akin — masaya, malungkot, galak, atbp.
Maraming natulong ang kompanya sa akin bukod sa mga benefits at maayos na pa-sweldo na nagamit ko sa pagpapatayo ng bahay, apartment, lupa, napag-aral ang mga anak sa maayos na paaralan at nakapundar ng mga gamit atbp. Lahat yata ng pangarap ng Pandayan sa kapwa ay natamo ko na.
Pero syempre hindi lang naman ‘yan ang dapat tingnan. Tumagal ako sa kompanya dahil maayos ang trato sa mga kapwa, may pagmamahal, pag-aaruga ang may-ari sa mga kapwa. May boses ang bawat isa. Hinahayaang mag-isip ang mga kapwa na naayon sa Kultura ng Tagumpay at higit sa lahat ay masayang magtrabaho sa Pandayan.
Masarap ang pakiramdam kapag ganito. Hindi ito mababayaran ng kung ano pa man. Mas masarap magtrabaho kung maayos at alaga ang kapwa. Oo, may pagkakataon na napapagalitan o napagsasabihan pero sa aking palagay ay tinutuwid lang ako o tayo. Tinuturing kong regalo ang mga puna sa akin para mas lalo pang ma-improve ang performance at sarili ko.
Sabi ko nga sa Pangkat ko na kapag pinagsasabihan ko kayo ay hindi iyon galit, kundi tinutuwid ko at dinidisiplina ko kayo. Kasi kung hahayaan ko lang kayo ay ibig sabihin niyan ay hindi ko kayo mahal. Mahal ko kayo kaya napagsasabihin ko kayo sa mga dapat gawin o improve para sa sarili at sa tindahan natin.
May mga ilang kapwa na nagtatanong sa akin kapag One on One Dialogue. Tanong nila, “Ma’am bakit ang performance ninyo hindi bumababa? Lagi kayong masigla? Lahat nagagawa ninyo at tutok kayo? Ano po vitamins ninyo baka may sekreto kayo?” Natatawa lang ako.
Sabi ko sa kanila, “Alam ninyo kung ano ang sekreto ko? Masaya ako sa Pandayan at sa trabaho ko kaya hindi ko nararamdaman ang pagod at panglalata sa trabaho.” Kapag mahal mo ang trabaho mo ay hindi mo naiisip ang araw, oras at pagod. Lahat magagawa mo kahit nasa bahay ka. Hindi mo naiisip na nasa bahay na ako dapat wala ng trabaho.
Sabi nga ni Tia Ine na ang pagod ay ipahinga o itulog mo lang ‘yan. Kinabukasan malakas ka na muli. Minsan iniisip ko nga baka maramdaman ko ang pagod at inip kapag retired na ako sa Pandayan.
Sa 30 years ko sa kompanya ay malaki ang pinagbago sa pagkatao ko. Natuto ako sa mga bagay na akala ko hindi ko magagawa. Ang Kapwa Factor ang nagmulat sa akin sa pagpapakatao, pagkamakatao at pakikipagkapwa-tao. Iyan ang mapagmamalaki ko sa Pandayan, huhubugin tayo sa lahat ng bagay na hindi natin namamalayan na nagagawa na natin sa bawat kapwa, sa mahal natin sa buhay at sa ating komunidad.
Sabi ko nga sa sarili ko, mawawala ako sa Pandayan at sa mundo pero masasabi kong naging makabuluhan ang buhay ko ng dahil sa Pandayan.