Akda ni Jun Villacorta Cabochan
Managing Director, Pandayan Bookshop
Ang mga tagapamahala ay natutuwa kapag ang kanilang mga empleyado ay masigla at ganado sa pagtupad ng kanilang trabaho. Ang isang patibong kung bakit nawawalan ng sigla at gana ang empleyado ay ang maling paraan ng pagkausap o pagpuna sa kanya.
Una sa lahat, hindi dapat mapahiya ang empleyado. Kung maaari, kausapin mo siya sa isang lugar na walang ibang nakikinig. Ito ay pagpapahalaga sa kanyang dignidad bilang tao.
Dalasan ang Pagpuri
Madalas, kapag kinamusta mo ang isang empleyado tungkol sa kanyang kompanya, ang sagot ay ganito. “Kapag nagkamali ka, agad may pupuna sa iyo. Kapag maganda ang ginawa mo, dedma lang; walang pupuri sa iyo.”
Ito pa ang komento. “Kapag nagpatawag ng pulong, malamang kapalpakan ang pag-uusapan. Bihirang-bihirang tumawag ng pulong para ipagdiwang ang ambag o tagumpay ng empleyado.”
Sa ganyang sistema ng komunikasyon, hindi kataka-taka kung mawawalan ng gana ang mga empleyado. Ano ba ang maayos na pagpuna? Narito ang ilang panuntunan sa pagpuna at pagpuri. Sana ay tandaan natin ang sumusunod.
Para sa lahat:
1. Masaya tayo kapag tayo ay pinupuri.
2. Hindi tayo palagay kapag tayo ay pinupuna.
3. Lahat tayo ay nagkakamali; kailangan may pupuna kapag mali ang ating iniisip o ginagawa.
4. Kung ayaw mong mapuna, magtago ka. Huwag ka makipagsapalaran. Yun lang, malamang na walang mangyayari sa buhay mo.
5. Huwag matakot sa puna. Tanggapin ang punang ibinibigay para sa iyong kapakanan; tuntungan ito sa iyong hagdan ng tagumpay.
Para naman sa tagapamahala o tagapangasiwa:
1. Gamitin mo ang pagpuna para umunlad ang iyong pinupuna.
2. Para madaling tanggapin ang iyong pagpuna, dapat nakikita ng iyong kapwa na mas madalas kang pumuri kaysa sa pumuna.
3. Sa iyong pagpuna, ipadama mo sa iyong kapwa na ang puna ay para sa kanyang kabutihan.
4. Ugaliin mo na mas madalas ang iyong pagpuri nang tapat sa kapwa kaysa sa iyong pagpuna sa kanya.
FASTER Feedback
Sa Pandayan Bookshop, ang tawag sa paraan ng pagpuna at pagpuri ay FASTER FEEDBACK. Ang pagbigay ng puna o papuri sa iyong mga nasasakupan ay dapat Frequent, Accurate, Specific, Timely, Empowering, at Respectful.
Sa FASTER FEEDBACK mas papakinggan ka ng iyong mga kasama. Ito ay bahagi ng mabuting pakikipagkapwa-tao. Sa pag-uusap na may puso, marami ka rin matututuhan mula sa iyong mga kinakausap.