LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni Raquel Roxas, Sta. Maria
Noong unang magtanong sa akin ng mga presyo ng bond paper at ilang office supplies ang kinatawan ng Office XYZ ay agad ko siyang inalok ng ating Kaibigan Card Opisina at ipinaliwanag ang mga benepisyo at diskwento nito.
Naging interesado naman ang Panauhin ngunit nang dumako na ang aming usapan sa proseso ng pagbabayad ay nadismaya ako dahil ang gusto niyang mangyari ay halagang ₱5,000 lang ang bibilhin niya para sa ₱10,000 na budget ng kanilang ahensya at dadayain ito sa resibo.
Agad akong tumanggi at kahit anong paliwanag pa ang sinabi niya ay nanindigan akong hindi ito pwede sa atin.
“Dishonesty po ang tawag doon Ma’am, at pagkatanggal po sa trabaho ang parusa sa amin ng ganoon.”
May ilang beses pa siyang nagpabalik-balik sa tindahan at kinukumbinsi ako sa prosesong nais niya. Inalok pa niya ako na babayaran na lamang niya sa akin ang resibo.
Ang totoo ay nakapanlulumo at nakakainsulto ang iginigiit niyang gawain sa akin. Kung hindi lamang siya Panauhin ay gustong-gusto ko nang sabihin sa kanya na galing sa buwis ng mga gaya kong mamamayan ang perang nais niyang kupitin!
Bakit ko nanaisin na mapunta sa kanya at sa mga taong gaya niya ang buwis na kinakaltas sa aking sweldo? Dapat ay para sa ikauunlad at ikaaayos ng mga pampublikong ahensya ng gobyerno, upang mas mapagbuti ang paglilingkod sa mga tao.
Kaunti man ay hindi ako nakaramdam ng panghihinayang o pagsisisi na hindi ko siya nakumbinsing sa amin kumuha ng supplies. Mas nalulungkot ako at nangangamba na isiping ilan pa kaya ang ganitong klase ng kawani ng gobyerno. At ilan kaya ang hindi madadala sa tukso o kinang ng salapi? Sana ay mas marami iyong sa pangalawa. Sana tulad ng sinabi ni Boss Jun, unahin sana ng lahat ang makapaglingkod sa iba.