LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Sarah Leonin, Solano
Isa sa pinaka-memorable at makabuluhang birthday kong maituturing ay ang taon na ito. Nagkaroon ako ng pagkakataon na magkaroon ng contact at mahanap ang isa sa pangarap kong mapuntahan dito sa Vizcaya, ang Bonfal Children’s Home.
Napag-alaman ko thru text na may limang bata ngayon sa ampunan, edad 10, 9, 3, 2 at 1. Nakaramdam ako ng lungkot dahil sa ang pinakabata dito ay mag-dadalawang taon pa lamang.
Para mapasaya sila kahit papano, pinili kong i-share sa kanila ang handa ko sa birthday. Hindi naman talaga ako naghahanda pag birthday ko pero pinaghanda ko sila ng kaunti para may pagsaluhan sila. Ginawan ko din ng tig-iisang bento cake ang mga bata.
Papunta kami sa bahay ampunan nang may sumalubong sa aming bata na tuwang-tuwa. Special child siya at di nakakapagsalita. Ang pangalan niya ay Angel. Nakilala ko ang mga bata (pero hindi ang history nila kung bakit sila nandon). Wala pa akong lakas ng loob para itanong. Kinantahan nila ako ng Happy Birthday. Saglit lang kami nagtagal doon. Umalis din kami kaagad.
Habang palabas sa Children’s Home ay tumulo ang aking luha. Literal na umiyak ako mula doon hanggang sa pag-uwi sa bahay. Naisip ko in a flash kung gaano tayo kasuwerte na tayo ay may sariling pamilya, may sariling bahay na tinutuluyan at higit sa lahat ay may nagmamahal na sarili nating kadugo.
Nakakalungkot isipin na sa murang edad nila ay iniwan sila ng dapat ay nag-aaruga sana sa kanila. Hindi ko sila kayang tingnan ng matagal sa loob ng bahay ampunan dahil masakit sa lalamunan magpigil ng luha.
Project ko na taon-taon na sa kanila mag-celebrate ng aking kaarawan. Pag may birthday naman sa amin ay lagi ko silang papadalhan ng pagkain nila. Tayo na din ang magpoprovide ng birthday cake nila sa tuwing may magdaraos ng kanilang kaarawan. Si Sean ay magiging 2 years old sa November 29.
Masarap mag-share ng blessings lalo na sa mga taong kailangan talaga ng tulong. Kaysa mapunta sa luho o sa kung saang hindi importante, itulong na lang natin. Marami pa tayong mapapasaya.
Hindi ko pa mahikayat ang iba na gawin ito dahil ayaw ko naman pong i-broadcast ang ginawa ko. In time, makakaisip din ako ng mas magandang paraan kung paano sila mas matutulungan.
Salamat sa blessing na binigay ng Pandayan. Hindi lang ang blessing na pera kundi maging ang blessing ng kagandahang loob at pagmamalasakit na ngayon ay aking naisasabuhay.