LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni Janice Jimena, Bayambang
Isa sa pinakamahalagang aral na natutunan ko sa Pandayan ay ang pag-iimpok, kung paano alagaan ang ating pera o sahod natin. Sa orientation pa lang ay binibigyan na tayo ng aral kung paano natin ito mapapahalagahan. Dahil sabi nga nila na kapag may isinuksok may madudukot.
Totoo naman ito. Ilang beses ko na rin itong naranasan. Kaya naman lahat talaga ng pwede kong maipon sa mga natitirang sahod ko ay itinatago ko talaga. Nito ngang nakaraan lang ay isinugod na naman sa ospital ang aking ina dahil sa pagkakaroon ng UTI at kawalan ng ganang kumain. Na-confine siya at medyo mataas din ang kanyang bill dahil sa private ito.
Mabuti na lang at sa ngayon ay mas mataas-taas ang natanggap kong incentive at pinangdagdag ko rin iyong ibang ipon ko upang sa ganoon ay may magamit sila at makatulong sa pambayad sa ospital.
Isa sa pinakamabisang paraan kung paano mo talaga matitipid ang iyong budget o maiipon ang iyong sahod ay iyong huwag kang maglagay ng maraming pera sa iyong wallet o pitaka at dapat laging nasa budget list natin ang mga importante at dapat lang natin bilihin sa ating pang araw-araw.
Siyempre hindi din naman natin mapipigilan ang magbigay ng reward sa ating sarili pero dapat palaging may kontrol sa paggastos dahil iba pa rin ang magagawa kapag lagi kang handa.
Lagi nating isapuso ang kahalagahan ng pag-iimpok habang bata pa tayo o hanggat may mga blessing tayong patuloy na natatanggap.