Hindi pansin ni Bernadette Rosacinia ang init ng araw, pagod sa ilang oras na paglalakad, usok ng mga sasakyan sa kalye o ano mang ingay at pangyayari sa kanyang kapaligiran.
Bagkus, kaligayahan ang nararamdaman niya dahil tinutupad niya muli ang isang panata na isabuhay ang dinanas na kalbaryo ni Hesus upang tubusin ang lahat ng tao sa sanlibutan.
“Masaya po. Hindi ko ramdam ang pagod dahil alam ko po ang pinagdaanan ni Hesus na paghihirap. Bilang isang miyembro ng Senakulo tungkulin naming tapusin ang oras mula 7 AM hanggang 12 ng tanghali ng walang tigil upang kahit papaano mapagbayaran namin ang aming mga kasalanan. Maiisip mo rin ang bawat paghihirap ni Jesus na tiyak na pupulutan ng aral,” sabi ni Bernadette.
Gumaganap si Bernadette bilang Herodias, ang asawa ni Haring Herodes na nagpapatay kay Juan Bautista (John the Baptist) at kung saan unang dinala si Hesus nang una siyang hulihin ng mga kawal Romano.
Miyembro si Bernadette ng Samahang Banal na Sakripisyo isa sa dalawang grupo sa Antipolo na may panatang magtanghal ng Senakulo tuwing Mahal na Araw.
“Noong 2013 po ako nagsimula. Sinali ako ng tatay ko, si Benjamin Rosacinia, noon bilang Veronica. Tapos naging Salome at ngayon Herodias na. Hindi po siya kasali. Tropa nya ang kasali doon. Tapos po nakita ako at tinanong si Papa kung pwede akong isali. Doon po nagsimula,” sabi ni Bernadette.
Tulad ni Bernadette hindi rin alintana ng ibang miyembro ng Samahang Banal na Sakripisyo ang hirap sa pagganap ng Senakulo. Ang tanging laman ng kanila isip ay kaligayan sa pagtupad muli sa kani-kaniyang panata na isabuhay ang hirap at sakripisyo na pinagdaanan ni Hesuskristo sa kaniyang kalbaryo upang tubusin ang lahat ng tao sa sanlibutan.