Akda ni Arvin O. Santiago
Tubong Sitio Sapinit, San Juan si Shean Mhac Clyde Balanquit, 23 taong gulang, isa sa mga kabataang naghahangad na maluklok sa posisyon bilang SK Chairperson sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataang Elections ngayong Oktubre.
Bata man sa paningin, hindi na bago kay Shean ang mundo ng politika. Maaga siyang minulat ng kaniyang mga naging karanasan sa mundo ng pamumuno nang minsan na siyang maging bahagi ng mga school-based organization sa kaniyang mga naging paaralan.
Inihanda siya ng mga itinuturing niyang ‘pangalawang tahanan’ sa laban na susuungin niya sa bagong pahina ng kaniyang buhay. Malaki ang pasasalamat niya sa Sapinit Elementary School at San Juan National High School sapagkat hinubog siya ng mga eskwelahang ito na maging lider.
Patapos na si Shean sa kolehiyo sa kursong Industrial Technology sa Marikina Polytechnic College (MPC). Ganoon lamang ang pagpapahalaga niya sa edukasyon. Para kay Shean, edukasyon ang hagdan patungo sa magandang trabaho at oportunidad. Ito ang magsisilbing susi para maka-alpas sa hirap ng buhay.
Magpapatayo ng learning hub o student center para sa mga kabataan ng San Juan si Shean kung palarin siyang magwagi. Kasama sa planong ito ang pagkakaroon ng mga computer, laptop, printer, WiFi na libreng magagamit ng mga mahuhusay ngunit kapos na mga mag-aaral. Ayon kay Shean, bakas ang hirap ng ilang kabataan kaya ito ang proyektong nais niyang gawing prayoridad.
Gayunpaman, hindi lingid sa kaalaman ni Shean na bago man maisakatuparan ang mga planong ito, butas ng karayom ang kaniyang pagdadaanan. Batid niyang kakambal ng hangad niyang kapangyarihan ang responsibilidad na bigyan nang epektibong serbisyo ang kaniyang mga nasasakupan.
Kahit na alam niyang mahirap, tuloy pa rin si Shean sa pagpursigi sa kaniyang pangarap lalo na at alam niyang hindi siya nag-iisa sa labang ito. Katuwang niya ang ilan sa mga miyembro ng Kilos Kabataan – San Juan. Bukod pa rito, ginagabayan rin siya ni Kagawad Dhory Tamayo na tinuturing niyang huwaran pagdating sa pagtulong sa kapwa.
Ayon kay Shean, hinahangaan niya bilang lingkod-bayan si Kagawad Tamayo dahil siya ‘yung klase ng pinuno na nakikinig. Dahil doon, nais niya ring maging lider na tulad ng kaniyang idolo.
“Bilang isa ring kabataan, handa akong makinig sa mga suggestion, opinion, at mga hinaing kada sitio para mabigyang solusyon at agarang matugunan,” saad ni Shean.
Ang pagba-budget sa hindi kalakihang pondong ibibigay ng National Government at kung paano nila ito pagkakasiyahin sa dami ng mga proyektong nais nilang ipatupad ang isa sa mga nakikitang balakid ni Shean. Ngunit hindi magpapatinag si Shean sa mga ganitong klase ng pagsubok. Mas mahalaga para sa kaniya ang ikabubuti ng nakararami.
Nabanggit din kasi ni Shean na danas niya rin ang hirap kapag hindi napapakingan ang mga hinaing. Kaya ayaw niyang maranasan ito ng iba.
“Isa lang po akong tahimik na bata noon. Introvert kung tawagin nila. Hindi naman po habang buhay ay mananahimik lang tayo o hindi kikilos bilang isang indibidwal. Hindi po tayo lalago bilang isang tao kung hindi tayo lalabas sa ating comfort zones,” saad nito.
Kaya naman gusto niyang gamitin ang pagkakataong ito upang makatulong at magbigay boses sa iba. Sa pamamagitan ng marangal na pagseserbisyo, nais niyang maging makabuluhang tao hindi lang para sa sarili kung hindi para rin sa iba.
Kaya naman kung papakinggan ang sigaw ng puso ng tahimik na si Shean, tapat na paglilingkod ang tinitibok nito para sa Barangay San Juan.