Sulat ni Lanie Mae Cabides

Sa pusod ng Taytay, partikular sa San Isidro o mas kilala bilang Lumang Palengke, nananatiling buhay ang kultura ng street food.

Dito, sa gitna ng masisikip na eskinita at mataong bangketa, matatagpuan ang iba’t ibang tindahan ng murang pagkain na bumubuhay sa araw-araw na pamumuhay ng mga Taytayeño. Mula sa matatamis na waffle hanggang sa mga inihaw na laman-loob, bawat putahe ay may hatid na kwento ng sipag at tiyaga ng mga nagtitinda.

Isa sa mga natunton kong tindahan ay ang Tayaki Waffle, na pag-aari ni Ven Panessa.

Bagamat mahigit isang taon pa lamang ang negosyo, agad itong tinangkilik ng mga mamimili. Ang kanilang cheese at yema waffle ang pinakasikat sa panlasa ng mga suki. Malambot at matamis, perpektong merienda ito na bumabagay sa malamig na inumin o isang tasa ng kape.

Sa kabilang bahagi ng palengke, tatlong babaeng negosyante ang masigasig na nagbabantay ng kanilang takoyaki stand.

Sa loob lamang ng walong buwan, unti-unti nilang napapatatag ang kanilang maliit na negosyo. Sa kabila ng matinding kumpetisyon sa Taytay, patuloy silang umaasa na mas makilala pa ang kanilang produkto. Mainit, malasa, at may natatanging timpla, isa ito sa mga paboritong street food ng mga bumibili.

Sa bawat sulok ng Lumang Palengke, makakakita ka ng pamilyar na mga pagkaing kalye. May siomai na may malinamnam na sawsawan, fishball at kwek-kwek na may klasikong manamis-namis na sauce, pares na may mabangong sabaw, at ang walang kupas na ihaw-ihaw. Patok ang pork barbecue, isaw, at betamax lalo na tuwing gabi. Sa murang halaga, may makakain ka nang masarap at nakakabusog.

Ngunit ang street food sa Taytay ay hindi lang basta pagkain. Ito ay bahagi ng kultura at pamumuhay ng mga tao rito.

Ang bawat tindero ay may kanya-kanyang kwento ng pagsisikap, at ang bawat mamimili ay may kanya-kanyang alaala ng pagsasaluhan ng mura ngunit masarap na pagkain. Sa bawat kagat, may kasamang lasa ng lansangan, isang lasa na nagpapakilala sa bayan ng Taytay.