LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni Kaela Gaza, Canlubang
Maaga kaming dumating sa mall noong araw na iyon at dahil wala pa ang aming door guard at mahaba pa ang oras bago ang aming itinakdang pasok ay naisipan muna namin ng mga Kapwa na pumunta sa pinakamalapit na 7-Eleven para mag-almusal.
Nang matapos kami magbayad sa counter ay nakita namin na nandoon din pala ang isa sa masugid naming panauhing pulis.
Agad niya kaming nakilala dahil madalas siya sa amin magpagawa ng mga pasadya. Palagi ring rush at kakaiba magpagawa ng mga pasadya si ma’am kaya naman talagang nacha-challenge ang mga Kapwa na napapatapat na mag-assist sa kaniya. Palagi rin naman siya natutuwa sa kinalalabasan ng kaniyang mga pinagagawa.
Binati niya kami at lumapit siya sa akin sabay sabi ng “Kapatid! Kumusta? Kumuha kayo ng gusto ninyo at ako na ang magbabayad!” Sabik na pagkakasabi pa ni ma’am.
Agad naman akong tumanggi at sinabing “Naku ma’am, maraming salamat po pero okay na po kami. Nakabili na rin po kasi kami ng aming kakainin.”
“Okay lang! Pang meryenda niyo na lang ang kunin ninyo. Dali na at huwag na kayong mahiya. Marami akong pera ngayon at nabigyan kami ng early bonus!” Natatawang pagpipilit ni ma’am.
Lubos naman kaming nagpasalamat sa kaniya at ipinaliwanag na nakabayad na rin kasi kami ng aming pagkain. Nagpaalam na kami sa kaniya at lumabas na ng convenience store ngunit humabol pa muli si ma’am at nag-abot sa amin ng isang supot ng siopao.
“Heto, imeryenda ninyo mamaya. Huwag na kayo mahiya at tanggapin niyo na iyan. Kayo naman! Hindi na kayo iba sa akin at maraming beses niyo na rin akong natulungan.”
Nagpasalamat naman kami sa aming panauhin at nakakatuwa na hindi nila kami nalilimot maging ang aming mga nagawang pagtulong sa kanila, maliit man o malaki ang aming nagawa. Kinilig din kami sa sinabi ni ma’am at sa kaniyang ginawa.
Dahil sa kalidad ng serbisyong ibinibigay natin sa ating mga panauhin ay nagkakaroon tayo ng mga kaibigan at mga kapatid sa kanilang katauhan.