LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni Michael Magdato, LK
Nakakatuwa na halos lahat ng mapuntahan kong munisipyo at mga taong nakakausap ko para sa compliance ay iisa lamang ang bukang bibig nila. Lahat sila ay nagpapasalamat at magkakaroon na ng Pandayan sa kanilang lugar. Hindi na nila kinakailangan pang dumayo ng ibang bayan para lang makapamili sa atin.
Kinukuha ko na rin ang pagkakataon na ito upang ipakilala pa lalo si Pandayan at kung anong klaseng kultura meron tayo.
Naisisingit ko rin ang iba nating serbisyo gaya ng delivery, MOOE transaction, maging ang mga Kaibigan Card natin. Sa simpleng pamamaraan ay lalo nilang kinasasabikan ang magiging sangay natin.
Gaya sa pagtungo ko sa Solana Cagayan. Noong magbabayad na ako para sa building permit ay may lumapit sa akin na ginang. Nakuwento niya na nasa 31 years na siya sa munisipyo at matagal na silang dumadayo ng kanyang anak sa sangay natin sa Tuguegarao.
Naranasan pa nila na mag-tricycle na may malaking styro sa ibabaw dahil sa atin lang daw sila nakakakumpleto ng kagamitan ng mga anak niya. Ang banggit ko na lang na inilalapit na talaga natin sa pamayanan ang Pandayan para hindi na nila kailangan lumayo.
Tuwang-tuwa po siya at nang banggitin ko na mayroon tayong Kaibigan Card ay sabi niya na meron na raw siya nito at napakalaking tulong ito sa kanila.
Sa Orani naman ay ayon sa BFP na nakausap ko ay ang tagal na raw nila hinihintay na magkaroon ng Pandayan sa kanila. Dumadayo pa raw kasi sila ng Dinalupihan o Balanga para lang makapamili ng kailangan nila.
Maski yung driver ng tricycle na nasakyan ko ay napasabi na lang ng “Salamat naman at ‘di na kami mahihirapan!”
Nakakatuwa na naging bahagi na rin ako ng pagbuo ng sangay ng Pandayan. Sa Abulug naman ganoon din halos ang tuwa ng mga bumbero. Ayon pa sa isa ay napakahirap daw ng supply sa kanila. Kinakailangan pa nila dumayo sa Tuguegarao na may ilang oras pa ang byahe.
Dahil din sa pagpapakilala at pagkakakilala nila sa Pandayan ay hindi rin ako nahirapan sa pag-transact ng ating mga compliance.