LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang Kapwa Panday ng Pandayan Bookshop
Akda ni Karen Julie Ann Cadiao, Canlubang
Humingi ng mungkahi sa akin ang isang panauhin tungkol sa gagamitin niyang kombinasyon ng kulay sa pagdidisenyo niya ng backdrop para sa gaganapin nilang birthday party. Tinulungan ko ang panauhin at nagustuhan naman niya ang napili kong kulay para sa lalaki niyang anak.
Sobrang nagpasalamat sa akin ang panauhin at para sa akin ay normal na sa araw-araw na makatulong ako sa mga kanila.
Noong araw din na iyon ay may matandang babae ang lumapit sa akin at humingi ng tulong sa mga bibilhin niya. Iniabot niya sa akin ang kaniyang listahan na nakasulat ang mga kailangan niya na sinulid, karayom, pin, yarn at glue.
Pinayuhan ko naman siya na hintayin na lamang ako sa may harap ng counter at ako na ang kukuha ng items dahil magkakalapit lamang ito. Mabilis na naiabot ko sa kanya ang lahat ng kanyang kailangan at tuwang-tuwa siya at nagpasalamat sa akin dahil hindi na raw siya mahihilo sa paghahanap.
Maya-maya pa ay biglang naglabas ng baryang tantiya ko ay nasa mahigit 20 pesos at inihulog niya iyon sa may PGH Can sa counter top sabay sabi sa akin na “Bilang tulong mo, ito ang tulong ko. Hindi naman kasi kayo tumatanggap ng pera.”
Nagulat ako sa ginawa ng panauhin at napaisip na baka ito na yung mga pagkakataong naikukwento sa aming mga probee ng mga Kapwa regular. Iba rin pala ang saya na naidudulot nito kapag ikaw na mismo ang nakasaksi.
Nagpasalamat ako sa panauhin sa kanyang handog na tulong. Nang makalabas na siya, napangiti na lang ako mag-isa dahil tumatatak na talaga sa mga panauhin na ang serbisyo nating mga Panday ay bukal sa puso at walang anumang hinihinging kapalit.