LIHAM MULA SA PANDAYAN Sulat ng isang kapwa panday ng Pandayan Bookshop
Albert Gacutan, Paso de Blas
Mayroon kaming babaeng probee na nagsimula ng training niya na kapos siya sa budget.
Sa pagpasok sa araw-araw, maliit o kaunting pera lang lagi ang declare niya sa tickler. Sapat lang sa pangkain niya sa tanghalian at meryenda at minsan kinukulang pa.
Ang pamilya niya ay nasa Davao. Nakipagsapalaran lang siya dito sa Maynila. Nakikituloy lang siya sa dati niyang amo sa may Bisalao. Madalas nilalakad niya lang ito papasok at pauwi sa gabi.
Noong malaman ko ito, naawa ako. Pero sabi ko ganoon yata talaga ang buhay. Minsan dumadaan sa hirap ng buhay, pagsubok ika nga.
Minsan kapag nakakausap ko siya, nararamdaman ko ang lungkot sa kuwento niya. Ang ibang kapwa ay nagkuwento rin na ang white polo shirt niya ay iisa lang kaya ang ibang kapwa na babae ay ibinigay sa kanya ang ginamit niyang white polo shirt noong nag-training siya para pandagdag sa gamit niya.
Nag-abot din ng sobrang pera ang ibang kapwa. Nakaipon kami ng ₱1,000 para ipahiram sa kanya hanggang sa makapag-cash advance siya at makasahod. Kusang loob namin itong ginawa dahil nakita namin sa kanya na kailangan niya talaga itong trabaho para matustusan ang sarili.